If you want to see samples of my comics work, head on over to CapsuleZone! If you want to see my graphic design portfolio, just go to Reno Maniquis Graphic Works! Thanks for dropping by!

Friday, August 04, 2006

Nung bata pa ako, tuwing hapon ay may nagdaraan na magtataho sa neighborhood namin. Kilala namin siya bilang Mang Lando. Walang paltos. Kahit Linggo, dumadaan siya, nagbebenta ng taho. Halos lagi naman niya kaming nakikita, kasi noong unang panahon, ang mga batang tulad namin ay naglalaro sa labas. Di tulad ngayon, nakatutok na lang sa TV o computer.

Pero balik tayo sa panahon ng aking kabataan. Ito ang dekada otsenta, na may halong late 70's na rin. Mabalik na rin tayo kay Mang Lando. Walang paltos din na bumibili kami sa kanya ng taho. Kahit araw-araw, 'di kami nagsasawa. Hindi ko na rin maalala kung magkano ang taho noon, pero ang isang portion ay katumbas ng isang malaking "tumbler," 'di tulad ngayon na limang piso isang lagok lang. Napaghahalata ang edad ko, 'no?

Pumasok lang recently sa utak ko si Mang Lando, na kahit papaano'y naging bahagi ng aking kabataan, at nakapagbigay saya rin siya sa akin at sa aking mga kalaro.

Lumipas ang panahon, at lumalaki na rin kaming mga bata. Nang tumuntong ng High School, 'di na mnasyadong tumatambay sa labas. Pero si Mang Lando, patloy pa rin sa paglalako. Hindi na ako araw-araw bumibili ng taho, pero paminsan-minsan, bumibili pa rin.

Isang araw, may kasama siyang binatilyo. Ang hawak nito'y basket ng lumpia. Napag-alaman namin na anak siya ni Mang Lando. Doon ko lamang napuna, medyo pumuputi na nga ang buhok ni Mang Lando. At mukhang nagba-branch out na siya sa pagtitinda ng taho. Pati pagbebenta ng lumpia, pinasok na rin niya.

Lumipas na naman ang panahon. Kaka-graduate ko lang mula kolehiyo nang may nakasabay akong lalaki sa dyip. Pamilyar ang mukha niya, at pagkatapos kong makapag-isip-isip ng kaunti, nakilala ko rin siya bilang anak ni Mang Lando. Dala pa rin niya ang basket ng lumpia. Kinumusta ko siya. Sabi ko mula nung maliit pa ako'y bumibili na ako ng taho sa tatay niya. Kinumusta ko si Mang Lando. Sabi niya'y medyo matanda na, at 'di na kayang magbuhat ng taho. May mga ilan-ilang sakit na rin dulot ng katandaan.

Tinamaan ako ng lungkot nang malaman ko iyon. Ang naaalala ko pa rin kasi sa balintataw ko ay ang matipunong lalaking araw-araw na nagbubuhat ng mabigat na taho, na laging nakangiti kapag nakikita niyang masaya kaming kumakain ng tinda niya.

Bago kami maghiwalay sa dyip, bumili ako ng lumpia. 'Di siya katulad ng taho, pero nagbigay saya pa rin siya sa kumakalam kong sikmura.

Saan man po kayo, Mang Lando... maraming salamat.

6 comments:

Reno said...

Pareho tayo. Nung sinuulat ko 'to, muntik na din ako maiyak. :)

Rey said...

Ang galing ng pagka-narrate mo Reno. not fancy, yet very honest... and moving.

Reno said...

Thanks, Rey. Kung paano ako magsalita, ganoon ang pagkakasulat ko. Tulad ng sabi mo, mas honest ang dating kapag ganoon ang paraan ng pagsusulat. Yung di masyadong pinag-iisipan.

ARTLINK STUDIOS said...

naku...naalala ko rin sa probinsya yong mga di lang nagtataho kundi yong mga iba pang naglalako..kumusta na rin kaya sila..naalala ko gradeschool ko tuloy..yong masasayang araw ng kamusmusan...^____^

Ed said...

Muntik na ako maluha, Reno. Naalala ko rin ang magtataho sa amin nung bata pa ako. Kasi tinutukso namin sya sa pinsan kong babae na nagbe-babysit sa 'min noon. Araw-araw din kami bumibili nyan...gaya mo, madalas kami sa labas naglalaro ng toy soldiers at habulan. Mas okay ang maging bata noong panahon natin, 'no? :D

Nami-miss ko rin ang taho, kaya nung ako'y nasa parents ko pa, nasusubukan ko rin mag-taho kahit tatlong beses sa isang linggo. Masarap pa rin ang taho, lalo na kung matatamis din ang sago.

Reno said...

Taho...

malaking bahagi ng kabataan nung dekada otsenta!